Sabado, Abril 13, 2013

APARISYON: Nakakabinging katahimikan


Ngayon lang ako nakakabawi sa dami ng back-log ko (hahaha) iisa lang kasi ang pc sa bahay kaya may oras kaming 6 sa paggamit nito.

Kapuri-puri ang pelikulang APARISYON (2012) ni direk Vincent Sandoval. Nainlove ako sa tema, sa kwento at sa pamamaraan kung paano ito inilahad sa pinilakang-tabing.

APARISYON ay isang drama-thriller taliwas sa sinasabi ng iba na psycho-drama. Sa mga hindi pa nakapanood ang APARISYON ay tungkol kay Sister Lourdes (Jodi Sta. Maria) isang novice na biktima ng pang-gagahasa sa panahon ng diktadorya.  Nangyari ang karahasan ng gabihin sina Sister Remy (Mylene Dizon) at Lourdes ng uwi mula sa isang pagpupulong. Bagamat magkasama hindi na nakatakbo ang huli dahil napilayan ito sa daan. Sa paghahanap nina Mother Superior (Fides Cuyugan-Asensio) at Sister Vera (Raquel Villavicencio) sa dalawang madre ay nakita nila ang pangyayari. May magagawa ba ang dalawang matandang madre upang mailigtas ang kasama nila sa kumbento sa mga oras na yon? Ikaw, anong aparisyon ang kanya mong harapin sa buhay?

Napakagaling ng pagkakagawa ng pelikulang ito, napakalinis at higit sa lahat ang “tension at intensity” ng kwento ay simple pero mabigat, higit sa lahat payak. Ito ang isang pelikulang may nakakabinging katahimikan – mararamdaman mo mula sa lokasyon ng pelikula – ang kumbento na talaga namang dalisay at tahimik – at ang bawat karakter na may pinagdadaan sa kanyang sarili. Ang katahimikang idinadaan sa pagdarasal at pagpupuri sa Maykapal. Ang kahimikang bumabalot sa bawat isa at sa lugar na kinabibilangan.

Gusto ko ang APARISYON dahil mula sa simpleng kwento ay may kumplekadong kwentong inilahad. Ang katahimikan ay binasag at pilit na binabasag ng tension at krisis, sa sarili, sa kumunidad at sa pangkalahatan, ang bansa.

Magagaling at epektibo ang pagganap ng bawat karakter na ginampanan ng bawat artistang kasama dito, swak na swak ang musical scoring, malinis at maganda ang cinematography, orihinal ang plot at ang napakatalino ni direk Vincent Sandoval. Kakaiba ang pamamaraan nya sa paglalahad ng kwento.

Ang APARISYON ay finalist sa 2012 Cinemala Independent Film Festival. Naigawad dito ang Best Sound. Samantala, sa 15 taon ng Deauville Asian Film Festival, France, ngayong 2013 naibigay ang kauna-unhanang Audience Award sa APARISYON. Noong Oktubre (2012) naiuwi ng APARISYON ang NETPAC Award mula sa Hawaii Internation Film Festival. 



Rating: 4/5

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento