Biyernes, Abril 5, 2013

Ang Babae Sa Sementeryo (2010)


Isang horror movie na tumatalakay sa realidad na ang sementeryo ay hindi lang tirahan ng mga patay kundi pati na rin ng mga buhay at ang matindi sa kwento nito ay ang talamak na bentahan ng laman. Ang mag-amang nanirahan dito ay nagka-anak  (Ella Guevarra) at ng magdalaga ay ibinubugaw ito sa mga parokyano nya. Misteryosong namatay ang ama (Roldan Aquino) at sumunod ang ina (Ma. Isabel Lopez) hanggang sa sunod-sunod na ang patayang nagaganap sa lugar.

Habang dalawang magkaibigan ang nagtungo dito upang gumawa ng dokumentaryo sa mga kababalaghang nangyayari na pinaniniwalaang pinamumugaran ng aswang. Aksidente naming nahagilap ng kanilang kamera ang pagmumulto ng isang babae. Ang masama pa nito, kahit mismo sa tinutuluyan nila ay may nagpapakitang multo – ang anak ng landlady (Isadora) na namatay sa karahasan.
 
Hindi tumigil sa pagiimbestiga ang hepe (Roi Vinzon) sa mga patayang naganap hanggang sa matuklasan kung sino “Ang Babae Sa Sementeryo”.

Alin ang totoo, aswang o multo?
Sino nga ba ang pumapatay, demonyo o tao?

KAGALINGAN NG PELIKULA
Star-studded ang cast ng Ang Babae sa Sementeryo, lahat ay bumagay sa karakter
na ginampanan. Mercedes Cabral, Mon Confiado, Roi Vinzon, Jigo Garcia, Brylle Mondejar, Boots Anson Roa, Ma. Isabel Lopez, Roldan Aquino at sina Isadora, Ella Guevarra at Tommy Abuel na lumutang ang galing sa pag-arte.

Maganda ang pamamaraan ng paglalahad ni direk Neal Tan (Ataul For Rent), naaayon ang lapat ng tunog sa eksena at nagbuhos ito ng takot sa manonood.

KAHINAAN NG KWENTO
Medyo naguluhan ako sa sub-plots ng pelikula, walang duda na maganda ang mga
linyang sinambit ni Tommy Abuel pero pagdating sa mga diyalogo nina Jigo Gracia at Brylle Mondejar nawawala ang esensya ng main plot. Aswang ba o Multo o Taong sinasaniban? Alin sa tatlo?

Hindi ako nakumbinsi sa isa pang inilahad sa pelikula, ang nagaganap na bentahan ng laman sa sementeryo at sa loob ng nitso ginagawa ang pakikipagtalik – kung ito man ay totoong nangyayari sa ating bansa mas maigi sigurong gawan ng sariling pelikula na ganito ang tema.

Dahil madalas gabi ang eksena, medyo madilim at kulang sa ilaw ang production kaya minsan di makita kung ano ang nangyayari. (Kung napanood mo ang QWERTY (2012) ni Ed Lejano, kulang man sa budget ay maganda ang “lighting” na ginamit ng production – ang streetlights ng location at ang ilaw ng kotse – kaya malinis ang sinematograpiya ng “QWERTY”.)


Para sa akin, maganda ang konsepto ng pelikula, magaling ang pagkakagawa pero kung isasali ito sa film festival medyo maliit ang tsanya nitong manalo.


Rating: 2 1/5 /5

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento