Linggo, Disyembre 16, 2012

INDIE FILM: MELODRAMA NEGRA


2012 Cinema One Originals Film Festival Audience Choice Award for Best Film: Melodrama Negra

Nakaguhit sa ating mga palad at hindi aksidente ang pagkakabuhol-buhol ng ating mga buhay, ito ay sadya at may maraming kadahilanan. Isa sa mga itatampok ngayong taon sa Cinema One Originals ay ang Melodrama Negra – pelikulang hindi tipikal na kwento ng buhay ng tao.

Melodrama Negra ay naglalahad ng tatlong multong ligaw na naghahanap ng mga kasagutan sa maaga nilang pagpanaw, kasabay na rin dito ang katahimikan at hustisya na isinisigaw ng mga ito sapagkat dalawa sa kanila ay nabiktima ng karahasan at ang isa ay kalupitan ng mga taong nakapaligid sa kanila. At dahil hindi pa lumilipas ang ika-40 na araw, ang paggala nila sa kalakhang Maynila (lalo na sa syudad ng Quezon at Kalookan) matutuklasan ang pagkakabuhol-buhol ng kanilang mga buhay at kung bakit sila pabalik-balik sa iisang lugar, na syang magbubukas ng daan tungo sa walang hanggang katahimikan at kasiyahan.

Dito inisa-isa ang pagtalakay sa bawat karakter na nagbigay sa kwentong hindi mo inaasahan ang khihinatnan. Epektibo ang pagkakalahad ng bawat eksena at kung paano ito i-prenesenta sa mga manonood ay kapana-panabik. Maraming pasabog ang pelikulang ito lalo na sa huling 15-minuto nito na talaga naming kamangha-mangha.


Hindi rin maisasantabi ang paggamit ng metaphor upang bigyan-daan ang mga manoood ng sarili nilang interpretasyon sa eksena. Masusing hinabi ang bawat angulo upang maipakita ang pagkakaugnay ng isang karakter patungo sa pangalawa, pangatlo, pang-apat. Ang mga karumal-dumal na eksena ang syang pangulat sa lahat ay may kanya-kanyang dahilan kaya’t mangilabot sa ‘yong mapapanood.

Maganda at maayos ang pagkakalapat ng musika. Naaayon sa tema at mood na ipinapakita. Ito ang nagpa-angat sa Melodrama Negra sapagkat sa lahat ng lumahok, ang Melodrama Negra lamang ang may maraming orihinal na kantang ginamit. Musika na may magandang himig, tunog at mensahe. Masarap pakinggan sa tenga. At hindi lang basta-bastang kanta, ito ay OPM pa na malamang sa hindi, ay papatok sa mga radio at videokehan. Talagang akma sa kwento ang lyrics. Saktong-sakto. Walang duda.

Melodrama Negra ay kompletos-rekados kung elemento ang pag-uusapan, natatanging pelikula na may komedya at chessy na tagpo, may drama at suspense at dahil nga “Negra” andoon ang konsepto ng pagiging itim na bahagi ng pelikula na kung saan ang mga pasabog ay di mo talaga inaasahang mangyayari.

Melodrama Negra. Matalinong paglalahad. 
Melodrama Negra. Magaling ang pagkakagawa. 
Melodrama Negra. Payak ang konsepto. 
Ang Melodrama Negra.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento