Sabado, Mayo 4, 2013

Archie Alemania says ...


Archie is nice and fine gentleman. 
So accommodating and good conversationalist.

Biyernes, Mayo 3, 2013

pangbatang matanda ang ONE PIECE FILM Z at matandang pambata


Ito na marahil ang counterpart ng Pixar Animation ang Manga Animation mula sa Japan. Walang duda na pinaghandaan ng mga tao sa likod ng animae’ na ito ang pagsasapelikula ng tanyag na hit sa telebisyon.

ONE  PIECE FILM  Z ay sinulat ni Osamu Suzuki (Jungle Emperor Leo) at sa direksyon ni Tatsuya Nagamine (One Piece: The Desert Princess and the Pirates Adventures in Alabasta).

Ang pelikula ay umiikot sa kwento ni Z (Zephyr), dating Naval Admiral na dahil sa pait na dinanas sa buhay ay napuno ng puot, galit  at paghihiganti kaya bumuo ng grupong Neo Marines na syang sisira sa 3-End Points upang maghari sa mundo. Nagkrus ang landas ni Z at grupo ni Luffy, ng makita nilang walang malay na nakalutang sa dagat ang malupit na pinuno. At dito nagsimula ang kanilang bakbakan.
Una, magara ang presentasyon ng mga imahe, buhay na buhay ang kulay at detalyado ang bawat eksena. Dahil 2D ito, malinis at klarong-klaro ang resolution na makikita kaya maganda ang cinematography nito.

Kahit di ka pamilyar sa One Piece ay madaling maintindihan ito habang pinapanood mo tulad ng “NARUTO: ROAD TO NINJA” na kamakailan lang ipinalabas.


Kompletos rekados ang ONE PIECE FILM Z, lahat ng karakter ay nandoon mula kay Luffy, Zoro, Nami, Usopp, Sanji, Chopper, Robin, Frank, Brook at iba pa ay nagpakita ng kani-kanilang kakayahan sa pakikipaglaban.

Mahalaga sigurong sabihin na medyo lumihis ng konti ang kwento pagdating sa dulo, hindi consistent si Luffy sa kanyang layunin laban kay Z pero hindi mo na gaanong mapapansin ito dahil sa puno ng umaatikabong bakbakan ang pelikulang ito. At sa lahat ng karakter tanging si Usopp lamang ang hindi nagtransform kaya medyo nakulangan ako sa aking napanood.


Sa kabuuan, masaya kang lalabas sa sinehan. Walang pagsisisi na ito’y pinanood mo. ONE  PIECE FILM Z ay pangbatang matanda at matandang pambata.


Rating: 3/5

mapulitika ang BROKEN CITY kaya napapanahon sa eleksyon


Mainit ang mga eksena parang eksena sa eleksyon, nakakaalarmang debate at nakabibinging kampanya – ang Broken City ay isang crime thriller tungkol kay Mayor Hostetler (Russell Crowe) na kumuha ng private investigator (Mark Wahlberg bilang Billy Taggart) upang alamin kung totoong may karelasyon ang kanyang asawa (Catherine Zeta-Jones) sa campaign manager  (Kyle Chandler) ng kanyang kalaban sa pagka-mayor sa kanilang syudad.

Napapanahon ang pelikula sa Pilipinas dahil nalalapit na ang eleksyon, may binaril at namatay, may pananakot at panunuhol, may blackmail, at marami pang iba – kaya nga BROKEN CITY – isang powerhouse cast na sinulat ni Brian Tucker at sa direksyon ni Allen Hughes (The Book of Eli [2010]).

Medyo manipis ang kwento ng pelikula at parang minadali ang bawat eksena. Malabong mangyari ang mensaheng nais iparating ng BROKEN CITY kaya hindi ito kapani-paniwala. Sa ganang akin, kinulang sa detalye ang pagsasadula ng kwento. Nadala lang ang pelikula sa mga naglalakihang artista dito, na talaga namang wala kang masasabi sa karakter na ginampanan.

Hindi mo kailangang gumastos upang mapanood ito pero kung may pagkakataong maipalabas sa tv, walang masama kung pag-uukulan mo ng oras. Maari mo ka ring bumili ng kopya sa cd/dvd.  Sa ganda ni Catherine,   sa galing ni Russell at Mark solb na solb na ang panonood mo.



Rating: 2/5